
Matagumpay na isinagawa noong ika- 10 ng Mayo 2026 mula 8:00 n.u. hanggang 11:30 n.u. sa pamamagitan ng Zoom Meeting ang webinar sa Filipino na may temang “HINDI LANG ITO PELIKULA: Ang Diskursong Jun Robles Lana sa Loob at Labas ng Pinilakang Tabing.” Tampok sa nasabing gawain ang pagsusuri sa piling pelikula ni Jun Robles Lana bilang repleksiyon ng lipunan, kultura, politika, at iba’t ibang danas ng tao sa kontemporaneong panahon.
Binuksan ni Christine Joy M. Abay ang talakayan sa pamamagitan ng kaniyang presentasyong “SA PAGITAN NG TALIM AT BULONG: Isang Feministang Pagbaklas sa Patriyarka at Diktadura sa Pelikulang ‘Mga Kuwentong Barbero’ ni Jun Robles Lana.” Tinalakay niya kung paano inilalarawan sa pelikula ang pakikibaka ng kababaihan laban sa patriyarka at diktadura. Binigyang-diin din sa kaniyang presentasyong ang katahimikan ay maaari ding maging anyo ng paglaban at paglaya.

Sinundan ito ni Mary Bianca Z. Estela sa kaniyang paksang “ANG BALATKAYO NG KASIKATAN: Isang Kultural na Pagsusuri sa Pelikulang ‘Becky and Badette.’” Tinalakay niya ang konsepto ng kasikatan, identidad, at impluwensiya ng kulturang popular sa pananaw ng tao. Ayon sa kaniya, hindi lahat ng nakikitang tagumpay at kasikatan ay tunay na sumasalamin sa kaligayahan at pagkatao ng isang indibidwal.

Nagbigay naman ng realistang pagtingin si Jovie C. Floresca sa pamamagitan ng kaniyang paksang “MASKARA NG TAGUMPAY: Isang Realistang Pagsusuri sa Pelikulang ‘And the Breadwinner Is.’” Binigyang-pansin niya ang mabigat na responsabilidad ng isang breadwinner at ang mga sakripisyong kaakibat nito. Ipinakita rin sa talakayan ang mga personal na paghihirap at pagsasantabi ng sariling pangangailangan alang-alang sa pamilya.
Samantala, inilahad ni Alyssa Mae V. Pillora ang paksang “MGA ANINONG HINDI BINIBIGKAS: Lipunan, Moralidad, at Katawan sa Kalel, 15.” Tinalakay sa presentasyon ang mga stigma, diskriminasyon, at moral na paghusga sa mga taong may HIV/AIDS. Binigyang-diin din ang pangangailangang palawakin ang kamalayan at pag-unawa sa mga usaping madalas ituring na taboo sa lipunan upang higit na mapalalim ang malasakit at pagiging makatao.
Sa huling bahagi ng webinar, ibinahagi ni Ivy Nikki O. Samantela ang kaniyang presentasyong “SA LIKOD NG MGA GUNITA: Kritikal na Pagtingin sa Pelikulang ‘Unforgettable.’” Tinalakay niya ang kahalagahan ng alaala, identidad, at ugnayan ng tao sa kaniyang mga karanasan. Ayon sa kaniya, malaki ang ambag ng mga alaala sa paghubog ng pagkatao at pag-unawa sa sarili.
Lubos ding ipinahayag ng mga tagapagsalita ang kanilang pasasalamat kay Dr. Vasil A. Victoria sa kaniyang gabay at suporta sa mga mag-aaral upang maisakatuparan ang nasabing webinar. Nagpaabot din ng pasasalamat kay Dr. Malu Barcillano, Dean ng ADNU Graduate School, sa patuloy na pagsuporta sa mga programang akademikong nagpapalalim sa diskurso sa larang ng wika, panitikan, at pelikula. Pinasalamatan din ang Ateneo de Naga University Graduate School sa pagbibigay ng oportunidad at plataporma para sa makabuluhang talakayang akademiko at pampanitikan.
Sa kabuoan, naging matagumpay ang webinar sa pagpapakitang ang pelikulang Pilipino ay hindi lamang anyo ng sining at libangan kundi isa ring makapangyarihang daluyan ng kritikal na diskurso, kamalayan, at pagbabagong panlipunan.

Inihanda ni:
Alyssa Mae V. Pillora
MAED Filipino Student