You are currently viewing Biktorya ni Plaza sa KWF Gawad Balmaseda 2026

Biktorya ni Plaza sa KWF Gawad Balmaseda 2026

Tagumpay na naiuwi ni Darwin P. Plaza ang premyong Php100, 000 para sa Komisyon sa Wikang Filipino Gawad . Ito ay taunang paligsahan sa mga tesis at disertasyong may malaking ambag at pakinabang sa buhay, karanasan, at lipunang Filipino.

Tapos ng kaniyang Master of Arts major in Filipino si Plaza sa Ateneo de Naga University noong 2024 at ang kaniyang naging tagapayo ay si Dr. Vasil A. Victoria.

Tinalakay sa pananaliksik ni Plaza ang paglalarawan at pagsusuri sa proseso ng gakot kaugnay sa mga kalamidad bilang paghahanda ng mga taga-Partido sa Camarines Sur. Malaking tulong ang papel na ito lalo na sa mga panahong binabayo lagi ng mga bagyo ang Camarines Sur. Itinatampok sa papel na ito ang mga paghahanda kaugnay sa anumang kalamidad, ang mga senyales kung kailan darating ang mga ito, at ang tatag ng mga Bicolano sa pagharap sa mga hamong kaugnay nito. Ang papel na ito ay isang paksa kaugnay sa edukasyong kultural na gumamit ng katutubong teorya at metodo ng pananaliksik na nakaugat sa pang-araw-araw na buhay ng mga taga-Partido.

Bago pa man ang gantimpalang ito, naipagkaloob din kina Plaza at Victoria ang ikatlong puwesto sa pagbasa ng papel-pananaliksik sa parehong paksa sa 2nd International Virtual Research Conference on Education for Sustainable Development (IVRCED) na ginanap naman sa BISCAST noong Oktubre 16-18, 2025.

Sa papel ni Plaza, mahalaga at makabuluhang mabasa ito bilang paghahanda, pagharap, at paglagpas sa mga perhuwisyong dulot ng tadtad na bagyo sa Partido.

 

Inihanda ni:

Dr. Vasil A. Victoria
Faculty, Graduate School