
Matagumpay na idinaos noong ika-13 ng Disyembre 2025 ang isa sa mga libreng panrehiyong webinar na inihandog ng mga mag-aaral ng Master of Arts in Education Major in Filipino sa Paaralang Gradwado ng Pamantasang Ateneo de Naga na pinamagatang “PAGLAOM: Pagdadalumat ng Wika sa Mundo ng Pagtuturo.”
Gamit ang temang “Mga Sandigang Kalakaran Tungo sa Makabagong Anyo ng Pagtuturo,” nakapagbahagi ang apat na panauhing tagapagsalitang sina Marshey Pearl G. Alfigura, Julius Caesar M. Asaytono, Mary Bianca Z. Estela, at John Paul O. Tianes ng kaalaman at karunungan sa mga kalahok kaugnay sa mga pangunahing atake, mga dulog, mga sandigang teorya, at mga pokus sa pagtuturo at pagkatuto ng asignatura at wikang Filipino.

Naging makabuluhan sa mga kalahok ang mga paksang ibinahagi ng mga nabanggit na tagapagsalita sapagkat naging plataporma ito ng pagtalakay at pagbabahaginan ng mga pananaw hinggil sa papel ng wika sa pagbabagong nagaganap sa edukasyon. Layunin ng webinar na palawakin ang kamalayan ng mga guro hinggil sa teoretikal at praktikal na aplikasyon ng mga teoryang pangwika sa proseso ng pagtuturo gayundin ang paglinang ng mga estratehiya sa pagtuturo ng wikang tumutugon sa pangangailangan ng ika-21 siglong pagkatuto.

Ang proyekto ito ay isang kongkretong hakbang sa pagpapalalim ng pag-unawa sa wika bilang buhay na daluyan ng pag-asa, kultura, at kaalaman—isang paglaom na patuloy na nagbibigay-liwanag sa mundo ng pagtuturo.
Inihanda ni John Paul O. Tianes, MAED Filipino