You are currently viewing ADNU MAED Fil, Matagumpay na Isinagawa ang “Beyond Text” Webinar

ADNU MAED Fil, Matagumpay na Isinagawa ang “Beyond Text” Webinar

Ginanap noong Disyembre 14, 2025 ang libreng rehiyonal na webinar na pinamagatang “Beyond Text” na may temang “Ang Kapangyarihan ng Teoryang Pampanitikan sa Pagbasa ng Pelikulang Maharaja”. Inorganisa ang gawain ng Ateneo de Naga University Graduate School students ng Master of Arts in Education medyor sa Filipino sa pakikipagloborasyon sa Samahan ng mga Guro sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (SAGIF) na isinagawa sa pamamagitan ng Zoom meeting mulang 8:00 n.u. hanggang 12:00 n.t.

Tinuon ng webinar ang paggamit ng iba’t ibang teoryang pampanitikan bilang lente sa pagsusuri at pagbabasa ng pelikula partikular ang Indianong pelikulang Maharaja. Naghatid ng mga panayam ang mga mag-aaral mula sa ADNU na tumalakay sa iba’t ibang kritikal na perspektiba. Sa panayam ni Darwin P. Aleño tungkol sa Sosyalohiko/Panlipunang Lente, tinalakay niya ang mga isyu sa lipunan, estruktura ng lipunan, at representasyon ng social class sa pelikula. Ginalugad naman ni Julius Caesar M. Asaytono ang pagsusuri sa Sikolohiko/Pangkaisipang Lente at tiningnan ang pag-uugali, motibasyon, at inner conflict ng mga pangunahing karakter. Sa usapin ng etika at moralidad, pinangunahan ni Noli P. Babiera ang pagsusuri gamit ang Moralistiko/Pangmoral na Lente. Samantala, tinalakay ni Sharon L. Curioso ang Pormalismo/Pang-anyong Lente at ang estruktura ng pelikula, plot, narrative pattern, at ang relasyon ng visual at aural na elemento ng pelikula. Panghuli, nagbigay ng paliwanag si Mike Harold T. Jalata ukol sa Simbolismo/Pang-arketipong Lente at ang mga simbolismo sa Maharaja.

Nagbigay ang “Beyond Text” ng mahalagang kaalaman sa mga kalahok upang mapalalim ang kanilang kritikal na pag-unawa sa pelikula bilang teksto at makatulong sa pagtuturo ng mga konseptong pampanitikan. Nagtapos ang programa sa malayang talakayan at pampaningas na gawain.

 

Inihanda ni Noli P. Babiera, MAED Filipino