Nagwagi bilang Exemplary Filipino Teacher si Dr. Vasil A. Victoria mula sa Ateneo de Naga University sa kakaganap pa lamang na 4th International Research Conference on Multidisciplinary Education, Management, and Administration na may temang “Stewarding Transformation Towards Societal Fortitude, Leadership, and Sustainable Development” sa Bangkok, Thailand nitong Disyembre 16-19, 2022.
Sa apat na pamantayang inilatag ng International Cross-cultural Exchange and Professional Development (ICEPD-Thailand) upang suriin ang mga edukador na sumali mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, matagumpay na nasungkit ni Victoria ang parangal at naungusan ang humigit sa 20 gurong nagkalipika sa nasabing parangal na sinuri sa apat na batayang Occupational Competence na may 35%, Exemplary Accomplishment na may 30%, Professional Growth na may 20%, at ang Interview na ginanap sa unang araw ng kumperensiyang may 15%.
Ayon kay Victoria, “Napakasayang hindi lamang sa ating bansa kinikilala ang galing ng mga Atenistang edukador at mag-aaral kundi pati na rin sa internasyonal na mga kumperensiya ay humahataw at patuloy na ipinapakita natin ang kultura at tradisyon ng kahusayan at magis.”
Tugon niya sa tanong sa interbyung “Paano diumano maging isang mahusay na guro?” kaniyang sinabing “Pinagbubuti lagi ang pagtuturo nang buong puso, tagalikha ng kaalaman sa tulong ng naililimbag na mga aklat, lumikha ng mga mag-aaral na ubod din ng husay, tagapangasiwa ng mga pandaigdigang seminar, mga kawanggawa, pananaliksik, at higit sa lahat, ang Bicol na ang isa sa mukha ng kahusayan at tagapanguna sa disiplinang Filipino.”
Kaugnay nito, nakatakdang umuwi sa bansa ngayong buwan si Victoria kasama ang dalawang mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Edukasyong ibinandera ang watawat ng Ateneo sa internasyonal na arena.