You are currently viewing ADNU, Wagi sa Best Innovative Instructional Design Award sa Ikatlong Regional Demonstration Teaching Competition

ADNU, Wagi sa Best Innovative Instructional Design Award sa Ikatlong Regional Demonstration Teaching Competition

  • Post author:
  • Post category:Featured / News

Nasungkit ng Ateneo de Naga University (ADNU) College of Education ang Best Innovative Instructional Design Award sa kakatapos lamang na Ikatlong Regional Demonstration Teaching Competition na inorganisa ng Commission on Higher Education at Council of Deans for Teacher Education Region V Inc. (CODTE V). Ginanap ito noong Agosto 26, 2022 via zoom na pinaglabanan ng 14 na finalist sa buong rehiyon.

Sa 14 na malalaking paaralan sa buong rehiyon ng Bicol, si Noli P. Babiera mula sa College of Education ng ADNU at nasa ikaapat na taon ng kolehiyong nagpapakadalubhasa sa kursong Bachelor of Secondary Education major in Filipino ang nagtamo ng isa sa tatlong major awards ng nasabing timpalak sa tulong ng kaniyang coach at kasalukuyang guro na si G. Paolo Jose Silang, buong suporta mula sa College Dean na si Maria Luz Badiola, PhD, at College of Education.

Upang makiisa sa selebrasyon ng buwan ng ASEAN, ang timpalak ay may temang A.C.T: Addressing Challenges Together na naging sentro ng mga banghay-aralin ng mga finalist na nakapasok mula sa iba’t ibang asignatura.

Naging hamon sa bawat pamantasan ang pag-angkla ng kasalukuyang tema ng selebrasyon ng ASEAN sa mga masusing-banghay aralin at mismong demonstration teaching na kailangang maisagawa sa loob lamang ng 20 minutong pakitang-turo.

Bukod pa rito, kinailangan ding mapalakas ang paggamit ng integrasyon ng teknolohiya sa mga araling pinili ng lahat ng finalist anuman ang medyor ng mga kinatawan ng bawat pamantasan.
Sa 26 na paaralang sumali at sinala sa elimination round noong Agosto 16, 2022, pasok ang ADNU at pumuwestong 4.5 sa kabuoang ranking sa 14 na unibersidad na nakapasok sa finalists upang magtagisan sa huling bahagi ng timpalak.

Isang araw na pagpapakitang-turo ang ginugol ng mga taga-organisa sa tulong ng mga piling-piling hurado na sina Dr. Marcia Rico, Dr. Francisco Bulalacao, at Dr. Larry Millano sa larang ng edukasyon upang suriin ang mga banghay-aralin at prerecorded na mga pakitang-turo.
Nagtapos ang gawain sa pag-anunsiyo ng mga nanalong pinangunahan ng paggawad sa Best Innovative Instructional Design na napanalunan ng Ateneo de Naga University at Sorsogon State University, Best Teaching Model Implementor na natamo ng University of Saint Anthony at Baao Community College, samantalang hinirang naman bilang Best Demonstration Teaching ang Partido State University-Goa.

Kaugnay nito, ang timpalak ay napanood nang live sa Facebook page ng PAFTE at CODTE V at umani ng suporta sa bawat pamantasang nagpadala ng kanilang mga kinatawan.
Dagdag pa rito, kinilala rin ang partisipasyon ng Ligao Community College, University of Nueva Caceres, Daraga Community College, Bicol University Polangui Campus, Bicol University Tabaco Campus, Camarines Sur Polytechnic Colleges, Donsol Community College, Naga College Foundation, at San Jose Community College bilang mga pamantasang naging bahagi ng final round ng timpalak.

– Balita ni Alyssa Mae V. Pillora